èAV

Students

2026 èAV Pangkalahatang Pagtatapos: Mensahe ng Kinatawan ng mga Nagsipagtapos

Janine Sofia Marie Umiten
Bachelor of Science in Social Work
Class Representative

Umiten. Photo by Jefferson Villacruz, èAV Information Office

“Ang Tunay na Gumagalang”

Sa aming panauhing pandangal, Kagalang-galang na Conchita Carpio-Morales, Kagalang-galang na Shirley Agrupis, Tagapangulo ng Lupon ng mga Rehente, Kagalang-galang na Angelo Jimenez, Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas, Sa mga bumubuo ng Lupon ng mga Rehente,

Tsanselor Edgardo Carlo Vistan II,

Mga opisyal, kaguruan, kawani, at mga panauhin,

Kay Dean Justin, Ka Lito, at Dean Joyce Caragay,

Sa aking mga kapwa iskolar ng bayan, lalo na sa mga organisms or ng bayan mula sa CSWD na magsisipagtapos,

Sa ating mga magulang na naging sandigan natin sa bawat hakbang ng ating paglalakbay sa loob o labas man ng unibersidad

Sa aking mama na umuwi pa mula sa ibang bansa sa gitna ng digmaan upang makasama ako sa napakahalagang araw na ito—

Isang mapagpalayang umaga po sa ating lahat.

Akala ko noon, ang paggalang ay nasusukat sa pagsambit ng ‘p’ at ‘o.’ O di naman kaya sa pagtawag natin ng ‘aٱ’ at ‘kܲⲹ’ sa mga tindera sa A2, maintenance staff ng ating mga kolehiyo, at mga barker ng jeep sa may Katipunan kahit hindi naman natin sila mga kapatid. Likas sa atin magpakita ng paggalang sa iba. Ngunit sa halos apat na buwang pakikipamuhay ko sa Bail, La Union, bilang isang estudyante ng gawaing panlipunan, tinuruan ako ng Malaga—isang grupo ng kababaihang magsasaka—sa gitna ng kanilang bukirin at bulubundukin, na ang tunay na gumagalang ay marunong makinig. Marunong makinig sa kabog ng lupang sinasaka, sa bulong ng mga dahon na sumusunod sa hawi ng hangin, at sa hikab ng mga kalabaw na maghapong nag-aararo. Sa tinig ng mga taong ating pinaglilingkuran.

Maraming tunog sa ating unibersidad na marahil hindi na natin nabibigyang-pansin—ang humihinang busina ni Manong dahil sa taas ng krudo, ang kumakalam na sikmura ng mga batang maghapong naglalako ng lumpiang toge, at ang hagulgol ng mga manggagawang pilit pinagkakasya ang kakarampot na kita para sa kanilang mga pamilya. Bilang mga iskolar ng bayan, panawagan sa atin ng unibersidad na maghawak-kamay kasama ang masang api at samahan sila sa pagtindig. Ngunit nawawalan ng saysay ang panawagang ito kung hindi tayo magsusumikap na lubos intindihin ang opresyon ng ating pinaglilingkuran, ilagay ang ating sarili sa kanilang kalagayan/, at tingnan ang mundo mula sa kanilang mga mata.

Ang lingkod-bayan na lubos na gumagalang ay marunong makinig sa pulso ng masa, sapagkat alam niyang ang masa mismo ang may kapangyarihang baguhin ang kanilang reyalidad. Hindi sila mga pasibong indibiduwal kundi mga mamamayang kumikilos, nag-oorganisa, at lumalaban para sa kanilang mga karapatan. Nasaksihan ko ito mismo sa pagkakaisa at pag-oorganisa ng Malaga na naghahangad solusyunan ang kawalan nila ng akses sa tubig. Isang problemang nagpapahirap sa mga magsasaka dahil hindi lumalago ang kanilang mga pananim. Nakita ko ang unti-unting paglanta ng kanilang mga pananim at pagbitak-bitak ng mga lupain—mga senyales na kukulangin na ang kanilang itatakal na bigas kinagabihan. Sa pununuyot ng kanilang mga pananim, kasabay nito ang dobleng hirap ng kanilang mga anak magsalok ng tubig sa balong unti-unting mas lumalalim.

Sa pag-oorganisa ng Malaga, narinig ko ang tapang nilang lumikha ng isang espasyo—espasyong binago ang tunog ng pakikilahok ng mga kababaihan sa kanilang komunidad. Hindi na lamang maririnig ang kanilang tinig mula sa kaliskis ng walis tingting tuwing umaga o sa kalansing ng mga kaldero at lagatik ng sandok sa kawali tuwing magluluto. Maririnig na rin sila sa kanilang pag-”tao po” upang manghikayat ng mga kapitbahay kumilos. Mas mabigat na ang yapak ng kanilang mga paa na handang-handa nang mag-organisa. Dahil sa kanilang ingay na ipinarinig sa komunidad, nagising ang diwa ng mga magsasakang halos walang napipitas na pananim, mga nanay na hindi alam saan hahanap ng tubig inumin, at mga estudyanteng napipilitang umuwi pa sa kanilang mga bahay para lamang gumamit ng palikuran dahil kulang ang tubig sa paaralan. Mula rito, napakinggan ko ang mga tunog na wala sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan—ang pulso ng komunidad bigyang solusyon ang kanilang kinakaharap.

Mga iskolar ng bayan, hindi pala tayo ang tagapagligtas. Hindi rin tayo mga tagamasid lamang, kundi kanilang katuwang. Natutunan ko kina Manang Margie at Marichu, habang naggagatod ng tabako at nagpipitas ng talong, na ang taong gumagalang ay parang isang magsasaka—hinahayaan sumibol lahat ng may buhay sa sarili nilang panahon. Dahil sa bukirin, walang boses ang mas malakas, at walang buhay na mas mababa. Tignan natin ang masa nang mayroong paggalang sa kanilang kakayahang angkinin ang kanilang mga tagumpay at pag-unlad. Dahil ang tunay na pagbabago ay hindi natin ipagkakaloob sa masa, kundi lilikhain nang sama-sama.

Tanungin muna natin ang ating mga sarili: Lubos ba tayong gumagalang sa kakayahan ng masa turuan tayo ng karunungang labas sa ating unibersidad? Dahil bago tayo matutong magsilbi, matuto muna tayong umunawa, magpakumbaba. Kapantay natin ang masa sa kanilang dangal. Kapantay natin sila sa kanilang karunungan. Kapantay natin sila sa kakayahang baguhin ang lipunan. Sa ating pagsablay, huwag tayong mabingi sa lakas ng palakpak para sa ating pansariling tagumpay. Naway mas manaig pa rin ang paalala ng unibersidad na ang ating tagumpay ay hindi para isarili, kundi upang ihandog at ibahagi sa masang matagal na natin kasamang nangangarap ng isang makataong lipunan.

Sa paglabas natin sa unibersidad, huwag natin isipin na tayo lamang ang may kakayahang magdala ng pagbabago. Hindi tayo iniluwal ng UP upang tingalain, kundi upang maging lingkod-bayan na tumatabi sa masang api. Higit pa sa utak at puso, dalhin natin ang ating pandinig upang mas marinig natin ang daing ng mga batang nagugutom, buntong-hininga ng mga manggagawang napapagod, at hikbi ng mga magsasakang nangangarap magkaroon ng sariling lupa. Kahit gaano pa man binubusalan ang bibig ng mamamayan, naway mas maging matapang tayong makipag-isang-puso kasama sila hanggang sa dumating ang araw, hindi na natin kailangang pang sumigaw para lamang marinig. Sapagkat hindi nagbibingibingihan ang tunay na kagalang-galang.

  • Share: