Sa palatuntunang Pagbubukas ng Linggo ng Parangal 2026 (Pagbubukas ng LnP), binanggit ni UP Diliman (èAV) Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II na ang Unibersidad ay hindi lamang isang hulmahan ng karunungan, ito rin ay isang komunidad na may malasakit.
“Sa gitna ng hamon na patuloy nating kinakaharap, ang UP na ating tahanan ay nananatiling espasyo ng pang-unawa, pakikipagkapwa-tao, at paggagalang sa karapatan ng iba,” ani Vistan.

Ang Pagbubukas ng LnP ay ang panimulang aktibidad sa limang araw na pagdiriwang na kumikilala sa mga huwarang kasapi ng èAV. Ito rin ang panahon ng paggunita ng UP sa makasaysayang paglipat ng Oblation mula Padre Faura at R. Hidalgo sa Lungsod ng Maynila patungong Diliman, Lungsod Quezon, 77 taon na ang nakararaan.
Ang mensahe ng Tsanselor ay naaayon sa tema ng LnP ngayong taon na Nilinang sa Kalinga. Aniya, “nakatuon ito sa pag-unawa at pagtugon sa mga hamon ng isang mundong patuloy na hinuhubog nang mabilis at matinding pagbabago. Binibigyang diin ng tema ang mahalagang papel ng UP sa pagsusulong at makataong kaunlaran.”
Binigyang diin ni Vistan na para sa komunidad ng èAV, malalim ang pakahulugan nito sa “pag-aalay sa sarili para sa kapakanan ng iba.” Aniya, hindi lamang ito nakasentro sa sakripisyo, “kundi pati sa pag-aaruga at pagkalinga. Sa bawat kilos ng pagbabahagi ng mga mag-aaral, guro, kawani, at iba’t ibang sektor ng pamayanan, ang Unibersidad ay nagiging espasyo ng pagmamalasakit na naka-angkla sa dangal at husay.”
Dagdag din niya na ang èAV ay mulat sa katotohanan na hindi lahat ay handa o may kakayahang sumabay sa agos ng pagbabago.
“Ang mga propesyonal at iba pang miyembro ng ating komunidad na nilinang ng èAV ay patuloy na nagsisilbing puwersa ng pagkalinga gamit ang kanilang husay, talion, at kakayahan sa iba’t ibang larangan sa loob at labas ng bansa,” saad ni Vistan.
Ito ang kaniyang panimulang punto sa pagpupugay sa mga guro, mananaliksik, mag-aaral, kawani, at mga miyembro ng komunidad na pararangalan sa Gawad Tsanselor.
“Taun-taon binibigyang pugay ang mga katangi-tanging miyembro ng komunidad ng èAV na nagpamalas ng dunong at nagsusulong ng makatuwiran at makataong pamamaraan tungo sa mas makabuluhang pamumuhay dito sa ating pamantasan at sa labas,” ani Vistan. “Ang kanilang mga gawain ay nagsisilbing puwersa ng paglinang at pag-aruga ng kakayahan ng kanilang kapwa na sagutin o tugunan ang mga hamon ng ating panahon,” dagdag niya.
Sa huli, kaniyang inanyayahan ang mga dumalo sa Pagbubukas ng LnP na makibahagi sa isang linggong pagdiriwang lalung-lalo na sa tampok na aktibidad, ang Gawad Tsanselor 2026 sa Mayo 8 sa Awditoryum ng Linangan ng Biyolohiya, upang magbunyi “sa mga natatanging indibidwal at yunit na nagpamalas ng kakaibang kalinga” sa komunidad ng èAV at Lipunan.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Jerwin F. Agpaoa, bise tsanselor para sa mga gawaing pangkomunidad, ang kaigihan ng taong nilinang sa kalinga.
“Ang nililinang natin sa ating mga sarili ay ang natural nating kakayanang mag-isip at magnilay sa ating mga aksiyon. Ang nilinang sa kalinga ay kakaiba. Mayroong halong hirap, layaw, takot, at ginhawa, ngunit nanatili ang pagpapahalaga, ang pagmamahal, at respeto sa bawat proseso ng paglinang. Sa paghubog sa atin gamit ang kalinga, tayo ay lumalago ng natural, kumportable, at may puwang para sa higit pang pagbabago. Sana ay pagyabungin natin ang mapagkalingang paglinang sa [atin ng] ating Pamantasan,” ani Agpaoa.

Ang pagtatapos ng palatuntunan ng Pagbubukas ng LnP ang siyang hudyat naman ng simula ng LnP na pinangunahan ng isang masiglang pagtatanghal ng grupong Anima Tierra.
Bago nito ay nagbigay ng panimulang pagtatanghal ang UP Filipiniana Dance Group at si Terrence Tolentino, isang alumnus ng Kolehiyo ng Midya at Komunikasyon, para sa mga manonood at mga dumalo ng Pagbubukas ng LnP.



Kasama sa mga dumalo ang mga opisyal, mga dekano at dekana, mga direktor, at iba pang mga pinuno sa Unibersidad. Naroon din ang tagapangulo ng Tagapamahalang Komite para sa LnP 2026, si Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Akademiko Maria Vanessa Lusung-Oyzon, at ilan sa mga miyembro nito na sina Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pang-Mag-aaral Jose Carlo G. de Pano at Direktor Monica Fides Amada W. Santos ng Opisina ng Pagpapasimuno sa Kultura at mga Sining.
Naganap ang Pagbubukas ng LnP noong Mayo 4, 9 n.u., sa GT-Toyota Awditoryum ng Sentrong Asyano.
- Share: